Infinito: Salinlahi-Chapter 67
Chapter 67 - 67
"Hanagob? Yanggaw? Imposible, hindi nadadaan sa yanggaw ang mga hanagob. Katulad sila ng mga gabunan na may batong mutya na siyang isinasalin sa magiging tagahalili nila." Bulalas ni Lola Haraya nang marinig ang sinabi ni Esmeralda.
"Ibig sabihin nagsisinungaling po ang matanda?"
"Oo, saan raw sila patungo?"
"Sa kabundukan ho, sa kuweba na iniimbakan ko ng mga mutya. Pero lola, hindi nila mapapason iyon lalo kung ramdam ng mga gabay na may masama silang balak."
"Hindi doon ang tungo nila. Pero oo, sa kabundukan ng Luntian, tama. Esme, hindi ba't nabanggit ko sa'yo na dating tirahan ng mga hindi nakikita ang lugar na ito? May isang parte sa kabundukan ng luntian ang dating lagusan ng mga itim na nilalang. Mga itim na engkanto. May kutob akong doon sila tutungo, at kung tama ang hinala ko, ang tatlong nilalang na dala nila amg siyang magiging ugat ng kaguluhan dito sa mundo niyo." Nababahalang wika ni Haraya.
"Harani, anak, kailangan mo nang makipagkonekta sa mga matatanda, ipagbigay alam mo sa hangin ang mga pangyayari rito," utos ni Haraya at tumango naman ang ginang. Humarap ito sa puno ng mangga at doon nag-usal. Sa pangalawang pagkakataon ay muling narinig ni Esmeralda ang boses ni Harani.
Talagang napakahiwaga ng tinig ng babae, animo'y may tatlo o higit pang tao ang nagsasalita at tila tinatangay rin iyon ng hangin. Nang tumahimik na ang lahat ay tila doon naman bumalik sa huwisyo si Esmeralda, nakita niyang nakatingin sa kaniya si Harani, may maamong ngiti sa mga labi nito.
"Tara na, mas mabuti kung makita natin ang mismong lugar kung saan sila umatake, baka may makuha tayong magtuturo sa kinaroroonan nila." suhestiyon ni Haraya at tumango naman si Harani bilang pagsang-ayon.
Nang marating nga nila ang bahay ng ginang, ay nakita nilang kasalukuyan nang itinatayo sa labas ng bahay nito ang isang tolda. Naroroon na rin si Ismael na halatang kagagaling lang din sa panggagamot nito sa kabilang purok. Nagmano si Esmeralda rito at agad na ikinuwento ang pangayari kanina.
"Kung gano'n, may hinala kayo na ang may kagagawan ng pag-atake ay ang mga dayong nakita niyo kahapon?" Tanong ni Ismael.
This content is taken from freёnovelkiss.com.
"Oho amang, masama rin ho kasi ang kutob ko sa dala nila kahapon, kaso hinayaan ko, dahil hindi ko naman naramdaman ang bigat sa matanda, maging sa kasama nito. Kung ano ang nararamdaman ko kina lola ay 'yon rin ang naramdaman ko sa kanila."
"Kung tama ang hinala ko, may malakas silang pananggalang o 'di kaya naman ay malakas na orasyong bumabalot sa kanila. At kung tama ang hinala niyo, nababahala akong may mangyayaring kaguluhan sa baryo natin."
"Huwag ho kayong mag-alala amang, nakahanda naman ang mga manunugis kung saka-sakali. Hihimok rin kami ng mga kalalakihan para idagdag sa mga taong haharap kung saka-sakalo. Kung kinakailangan bawat lalaki sa kani-kanilang mga bahay ay sasanayin namin para maipagtanggol nila ang kani-kanilang mga pamilya."
"Maiba ako anak, nakausap mo na ba si Liyab?"
"Hindi pa ho amang, ang huling sabi niya sa akin, ay babalikan niya ako sa kabilugan ng buwan."
"Gano'n ba. Malakas kasi ang kutob ko na siya ang kapatid na sinasabi ng lola mo. Pero anak, masaya ka ba? Ngayong natagpuan mo na ang tunay mong pamilya? Hindi ka naman ba nabigla? Para kasing napakabilis ng lahat. Sa tagal ng paghahanap at pagtatanong natin, parang isang dram na ibinagsak sa atin ang katotohanan. At kung si Liyab nga ang kapatid mo, ano ang dahilan bakit niya inilihim ang katotohanan ng ganito katagal?"
Nahulog sa malalim na pag-iisip si Esmeralda, maging siya ay napapatanong kung ano ba ang dahilan ng paglilihim ni Liyab. Ayaw niyang sumbatan ito dahil ni minsan ay hindi siya pinahamak ng binata, wala itong ibang ginagawa kun'di ang para lang sa kabutihan niya.
"Huwag kang mag-alala amang, kakausapin ko siya sa kabilugan ng buwan, sa ngayon, ito na po muna ang unahin natin."
Matapos sabihin iyon, ay nagsimula nang ikutin ni Esmeralda ang palibot ng bahay ng ginang. Inakyat niya rin ang bubong habang si Dodong naman ay tahimik na nagmamasid sa paligid. Inaamoy pa ng bata ang bawat sulok ng bakuran at ang lahat ng lagusan papasok ng bahay.
Nang makababa si Esmeralda ay agad naman silang nag-usap.
"Kakaiba ang amoy na naiwan dito ate, hindi ito katulad ng amoy na naamoy ko sa tatlong nilalang na nakita natin. Pero hindi rin sila pangkaraniwan."
"Oo, nararamdaman ko rin. Dong, sa tingin mo, aakyat na ba tayo?"
Mabilis na umiling si Dodong habang nakatingin sa dalaga. Pasimple namang idinampi ni Dodong ang hintuturo niya sa labi at agad namang naunawaan iyon ni Esmeralda.
Saglit silang napatahimik at isang babae naman ang nakita nilang naglalakad palayo sa kinaroroonan nila. Nakasuot iyon ng itim na bestida at may kahabaan ang kulot nitong buhok. Agad namang sumunod ang paningin nila rito, hanggang sa pumasok ito sa isa pang eskinita papasok sa kabilang purok.
"Mukhang hindi lang tayo ang nagmamatyag ate, mukhang nakikipaglaro sila sa atin, ang kaibahan lang, nambibiktima sila. Nangangati tuloy ang kamay kong kumitil ng aswang." Gigil na wika ni Dodong.
Maging si Esmeralda ay nakakaramdam ng kakaibang gigil sa babaeng nakita nila. Alam nilang aswang iyon at alam nilang isa iyon sa mga umatake dito sa baryo. Ngunit mas minabuti nilang magtimpi dahil kailangan pa nilang maihanda ang lahat.
Pagbalik nila sa harapan ng bahay ng ginang ay nakita naman nilang nakikipag-usap si Ismael sa kapitan ng baryo nila kasama ang mga tanod nito.
May iilan na palang nakumbinsi si Ismael na magsanay sa ilalim ng mga manunugis. Agad namang nagpatawag ng pagtitipon ang kapitan at isinagawa nila ito sa loob ng baranggay hall.
"Bakit naman bawal ang mga bagong mukha, Ka Mael? May problema ba tayo sa mga dayo?" Nagtatakang tanong ni Kapitan nang imungkahi ni Ismael na palabasin ang mga taong wala pang isang taong nanunuluyan sa bayan nila.
"Malaki ho kapitan, ang totoo niyan ay may mga umaaligid ngayon sa bayan natin na mga dayo at ilan sa kanila ang nagmamatyag na. Kaya mas mabuti kung ang kasama sa pagpupulong na ito ay pawang tagarito lamang. Mas maigi pa rin na nag-iingat tayo, hindi ba?"
"Tama ka nga naman. O siya sige, maaari mo ng ilatag ang plano niyo. Narito na ang mga lalaking nais magsanay."
Agad na isinalaysay ni Ismael ang magiging plano nila. Pero ulad nang nakasanayan, hindu lahat ay ibinunyag niya. Matapos magtanguan ang mag-ama ay agad namang inilibot ni Esmeralda at Dodong sa mga kalalakihan na nasa loob. Napapatango naman si Dodong ay itinuro ang isang binatang may payat na pangangatawan.
"Malakas ang potensyal niya ate, ako na ang bahalang magsanay sa kaniya." Tila tuwang-tuwa naman ang bata at kulang na lang ay kumislap ang mga mata nito.
"Sige Dong, ikaw na ang bahala sa kaniya. At iba sa inyo, sumunod kayo sa mga manunugis na pinamumunuan ni Loisa. Alalahanin niyo, hindi lang ito para sa sarili niyo, kun'di para sa pamilya niyo at sa buong baryo." Paalala ni Esmeralda
Tanghali nang simulan ng mga manunugis na sanayin ang mga kalalakihan. Isa-isa nilang pinaliwanag sa mga ito ang mga pangontrang kailangan nilang ihanda sa bawat bahay nila. Itinuro rin nila ang taman kilos, taga at pag-atake para masugatan ng malubha ang mga aswang. Mabilisan lamang ang ginawa nila, dahil naghahabol na rin sila ng oras. Ang kailangan lang nila ay maunawaan ng mga ito ang kahalagahan ng bawat pangontra para sa aswang.
Sumapit na ang gabi at ilang manunugis ang sumama sa mga tanod para magronda, sina Loisa naman ay doon nagbantay sa bukana ng bahay ng ginang na namatayan ng anak. Nakapalibot rin aa tolda ang mga nag-aapoy na sulo bilang pagtataboy sa mga balbal na maaaring makaamoy sa kanilang pat*y. Sa pagkakataong iyon, nasa loob naman sina Esmeralda kasama si Lola Haraya, tahimik lang na nakatanaw ang dalaga sa matanda habang nag-aalay naman ito ng dasal para sa mga nabiktima ng aswang.
Wala pa ring patid ang iyak ng ginang kasama ang asawa nitong kararating lang galing sa trabaho. Wala itong kaalam-alam at halos gumuho ang mundo nito nang madatnan wala na ang tatlong supling nila.
"Ano ba'ng kasalanan ko para mangyari ito? Nagtatrabaho naman ako, lahat naman ng kabutihan ginagawa ko, bakit ang mga anak ko? Ang babata pa nila para danasin ang kahayupang iyon. Diyos ko naman, bakit!" Hiyaw ng lalaki habang nakaluhod sa harapan ng tatlong kabaon. Napapaiyak na rin ang mga kapitbahay na nakiramay sa kanila. Nahahabag sila dahil alam nilang mabuting tao ang mag-asawa. Walang sinasagasaan ang mga ito, walang inaagrabyado, pero kalunos-lunos ang nangyari sa mga anak nila.
Napakuyom ng kamao si Esmeralda. Nararamdaman na naman niya ang pagkulo ng dugo miya dahil sa galit. Halos mamuti ang palad niya dahil sa higpit ng pagkakakuyom nito. Hanggang sa naramdaman niya ang pagdampi ng malamig na kamay sa kaniyang braso. Paglingon niya ay nakita niya si Harani na umiiling sa kaniya. Hinahaplos ng babae ang braso niya hanggang sa bumababa ito sa kaniyang kamay. Tinanggal ni Harani ang pagkakakuyom ng palad niya at minasahe iyon. Tila ba sinasabi na kumalma lang siya. Nakakamanghang ang simpleng iginawi ng ginang ay nagbigay sa kaniya ng kaginhawaan at napakalma siya nito kahit walang salitang lumalabas sa bibig nito.