Infinito: Salinlahi-Chapter 70
Chapter 70 - 70
Lumipas pa ang maraming oras at halos madaling araw na nang lumabas si Ismael sa kubo. Halatang nanghihina ito at basa rin ng pawis.
Mabilis na sinalubong ni Esmeralda ang ama at inalalayan itong makapasok sa bahay.
"Amang, magpahinga ka muna sa loob. Kami na ang magbabantay ni Dodong sa kubo."
"Sige anak, kailangan ko talagang mag-ipon ng lakas dahil lubhang mahirap alisin ang ikinabit na sakit ng mga engkanto sa dalaga."
"Nararamdaman nga po namin ni Dodong, mahihirapan ka talaga dahil hindi lang isa ang kalaban mo, marami sila, amang," saad ni Esmeralda. Tinulungan niyang makaupo si Ismael sa higaan nito at napabuntong-hininga. "Kukuha lang ako ng maligamgam na tubig, amang. Gusto mo bang kumain?"
Umiling si Ismael. "Tubig na lang anak, mamaya na ako kakain pagkagising."
Matapos ibigay ang tubig sa ama ay bumalik na si Esmeralda sa kubo. Doon ay nakabantay na si Dodong. Naabutan pa niya itong matamang nakatitig sa babae.
"Dong, bakit?" Tanong ni Esmeralda.
Napalingon si Dodong at umiling. "Ate, hindi basta-basta parusa ito. May nararamdaman akong mali sa katawan ng babae."
Nang marinig ito ay agad na lumapit si Esmeralda sa babae at sinuri ang katawan nito.
Tulad ng sinabi ni Dodong, napansin niya rin ang kakaiba sa katawan ng babae. Hinawakan niya ang kamay nito at bahagyang pinakiramdaman ang pulso ng babae.
"Mahina ang pulso niya, parang narito siya na wala. Posible ba iyon?" Nagtatakang napatanong si Esmeralda sa kaniyang sarili.
"Posible ate, at kinakabahan ako rito. Puwede bang hindi na lang siya gamutin ni tatay? Baka kasi manghina ng husto si tatay Ismael." Wika ni Dodong. Gumapang ang pag-aalala sa pagkatao ni Esmeralda. Ramdam niyang nangyayari na ang sinasabi ni Dodong dahil kitang-kita naman kanina kay Ismael ang matinding panghihina.
Ang nakakapagtaka lang, bakit kailangan nilang pahinain si Ismael at ano ba talaga ang pakay ng mga ito sa kaniya.
"Dong, kaya mo bang bantayan mag-isa ang babae? Doon ako magbabantay kay amang."
"Sasabihin ko na dapat ate, sige, kaya ko na rito, mas maigi kong ang babantayan mo si Tatay Ismael. May kutob kasi akong si tatay ang habol nila ngayon, ang hindi ko lang mawari ay kung bakit," sang-ayon naman ng bata. Matapos ang maikli nilang pag-uusap ay pumasok naman si Esmeralda sa silid ni Ismael. Buong gabi siyang gising para bantayan ang kaniyang ama at ganoon din si Dodong sa babae.
Kinabukasan, maaga pa lamang ay nagmulat na ng mata si Ismael, dahil hindi nakatulog, halata agad sa mga mata ni Esmeralda ang puyat. Sunod-sunod ang mga trahediya, mga reklamo ng pagpaparamdam sa baryo nila, maging ang mga tangkang pangbibiktima ng mga aswang hindi lamang sa baryo kun'di pati na rin sa mga karatig purok. Umaga pa lamang ay laman na agad ng kalsada ang mga tsismosa sa paghahatid ng balita.
Kasalukuyang nagluluto si Esmeralda ng almusal nang makabangon na si Ismael. Nang makita siya ng dalaga ay agad naman siyang pinagtimpla nito ng kape.
"Kape ka muna, amang."
Tumango si Ismael. "Ang Tiyang Silma mo ba iyong naririnig ko sa labas?" tanong agad niya bago umupo sa harap ng mesa.
"Opo amang, mukhang may hatid na namang balita ang mga kapitbahay." Nakangiting tugon ni Esmeralda. Matapos mailapag ang tinimplang kape sa mesa ay siya namang pagpasok ni Silma sa kusina.
"Ano ba naman iyan, ang aga-aga, puro masasamang balita ang bumubungad sa baryo." Reklamo pa ng ginang. "O, kuya, gising ka na pala."
"Oo, rinig na rinig ko ang bunganga mo sa labas. Ano bang balita ang naihatid nila?" Iiling-iling na tanong ni Ismael.
Natawa naman si Silma at agad na naupo sa harap nila. Simula nang magkausap sila nang huli ay naging mas malapit na si Silma sa kaniyang kapatid na si Ismael. Tila nakita naman ulit ni Ismael ang dating kapatid niya bago ito mag-asawa. Iyon ang kapatid niya, makulit, bibo kahit matalim ang dila ay hindi basta-basta nanglalait.
"Naalala mo pa ba si Semyong kuya, iyong dati kong manliligaw na nakapag-asawa ng kumadrona sa kabilang purok."
Napakunot ng noo si Ismael nang mapatingin kay Silma. "O, ano naman ang tungkol do'n?"
"Iyong asawa daw niya, buntis, limang buwan na, normal naman daw ang lahat, pero nitong nakaraan, madalas daw sumalit ang tiyan niya. Tapos kahapon, naospital sila at nang suriin ng doktor, wala na daw ang bata sa tiyan niya. Bahay bata na lang daw ang natira. Posible ba iyon kuya, na mabubuhau ka kahit nawala na ang bata sa tiyan mo?" Tanong ni Silma.
Parehong nagkatinginan naman si Esmeralda at Ismael. Naging palaisipan sa kanila kung ano'ng uri ng aswang ang may kakayahang gawin iyon.
"At ito pa ang isa kuya, si Maricar , iyong kapitbahay ni Agnes, kakaiba rin ang nangyari sa pinagbubuntis. Huling check up nila, maayos naman ang bata, kabuwanan na dapat niya sa kasunod na dalawang buwan pero nitong araw lang daw, nakita sa ultrasound, paa na lang ng bata ang natira sa loob ng bahay-bata niya."
Matapos marinig ang mga balita ni Silma ay ginapangan naman ng takot si Esmeralda. Kakaiba nga ang mga pangyayaring iyon. Paanong nakukuha ang mga bata nang hindi man lang nararamdaman ng nanay nito. At bakit buhay pa rin ang mga ito. Kalimitan kasi ng nabibiktima ng mga aswang, kung hindi winakwak amg tiyan ay sa puwerta naman ito kinukuha ng aswang ngunit sa parehong kaso, namamatay pati ang nanay.
"Hala amang, anong klaseng nilalang naman kaya ang may kayang gawin iyon? Buhay pa rin ang nanay kahit wala na ang bata?"
"Oo at ang lumalabas, nalulusaw daw ang bata sa loob ng tiyan, imposible naman iyon. Ang alam kong nalulusaw ay nasa isang buwan o wala pang isang buwan. Perp iyon limang buwan at pito , kompleto ma dapat ang bata sa loob paano pang malulusaw iyon? Palibhasa mga doktor sila kaya hindi na talaga sila naniniwala sa mga ganiyan." Napailing si Silma bago uminom ng tubig.
Natahimik si Ismael gano'n din naman si Esmeralda.
"Tiya, bukod sa nawawalang bata, wala na ba silang ibang nabanggit?" Tanong ni Esmeralda.
"Wala na, nang tingnan naman ang dalawang buntis, maayos ang lagay nila, wala daw silang naramdaman bukod sa sakit ng tiyan bago mangyari ang pagkawala ng bata sa tiyan nila."
"Ate, gising na po ang babae!" Tawag ni Dodong at sabay pa silang napatayo. Mabilis nilang tinungo ang kubo at naabutan nga nilang nakaupo na ang babae habang si Dodong naman ay nasa isang gilid. Para itong isang pusang galit na nakatingin sa babae.
New n𝙤vel chapters are published on freeweɓnøvel.com.
"Gising ka na, ano ang nararamdaman mo?" Tanong ni Ismael. Akmang lalapitan niya ito nang pigilan siya ni Esmeralda.
"Sandali amang, huwag kang lalapit, may ibang nilalang sa katawan niya." Pigil ni Esmeralda at doon naman gumalaw ang babae.
Bahagya nitong inilibot ang paningin sa kanila bago sumilay ang nakapangingilabot nitong ngisi.
"Malapit na ang katapusan at sa oras na magkulay dugo ang langit, muling magbubukas ang daan patungo sa aming kaligayahan. Kayong mga tao ay walang magagawa kun'di ang magtago sa kadiliman, nanginginig sa takot habang kami ay nagsasaya!" Wika nito sa magkakahalong boses.
"Muli kaming maghahari, dahil ang panandalian kadiliman ang magsisilbi naming tulay upang wakasan ang selyong nagkukulong sa amin!" Humalakhak ang babae hanggang sa tuluyan ulit itong napahiga at nawalan ng malay.
Nahigit ni Silma ang hininga dahil sa narinig. Nanginginig ang mga kamay niyang napahawak kay Ismael.
"Kuya, nanganganib ba ang buhay natin dito? Paano ang mga bata?" Bakas ang takot sa tinig ng ginang.
"Hangga't nasa bahay kayo, ligtas kayo doon. Sige na Silma, huminahon ka na. Mas maigi kong pagsasabihan mo ang mga anak mo na huwag munang lalabas. Hindi natin alam kung kailan mangyayari ang sinasabi niyang pagdugo ng kalangitan."
"Pero kuya, paano sina Margarita? Pauuwiin mo ba sila?"
"Ipatawag mo sila, kailangan magkakasama tayo rito. Mahirap silang protektahan kapag malayo." Utos ni Ismael na kaagad din namang sinunod ni Silma.
Nang makaalis ang ginang ay agad namang nag-usap sina Ismael, Esmeralda at Dodong.