Infinito: Salinlahi-Chapter 71

If audio player doesn't work, press Reset or reload the page.

Chapter 71 - 71

Dahil sa kakaibang sitwasyon ng babae sa loob ay sa labas na nila pinagpatuloy ang kanilang pag-uusap.

"Sa tingin ko ay nakahanda naman ang lahat. Makakaya na nilang protektahan ang mga sarili nila sa mga aswang. Ang malaking problema natin ngayon ang mga itim na engkanto." Wika ni Ismael.

Napakamot naman sa ulo si Dodong. "Tay, kikilos ang mga gabay para tumulong. Pinapakalat na ni Hagnaya sa mundo nila ang sitwasyon natin ngayon at ang banta ng mga itim na engkanto." Saad ni Dodong at napatango si Ismael.

"Amang, nabanggit ni lola Haraya na ang bayan ng luntian noon ay tirahan ng mga hindi nakikita. Nabanggit din niya na may isang parte ng kabundukan ang siyang kinalalagakan ng lagusan patungo sa mundo ng mga itim na engkanto. Parang ganoon ang pagkakaintindi ko."

Tumango si Ismael. "Narinig ko na rin iyan, isang lumang kuwentong bayan sa kapanahunan pa ng mga ninuno natin. Walang patunay, ngunit dahil sa pagkakapareho ng mga kuwento ay talagang pinaniniwalaan ng mga taong nakakaalam nito."

Napatango si Esmeralda at napabuntong-hininga. Hindi na yata niya mabilang kung ilang beses na siyang napabuntong-hininga nang araw na iyon. Bagaman kalmado ang nakikitang ekspresiyon sa mukha niya, hindi niya maiwasan ang hindi kabahan. Ito ang unang beses na makakasagupa siya ng mga elemento bukod sa mga aswang.

"Ate, bakit hindi tayo makipag-ugnayan sa mga gabay? Mamayang gabi, ang sabi ni Hagnaya, magtitipon-tipon sila sa puno ng mangga. Siguro naman may mga kasagutan sila sa mga tanong natin."

"Sige, gawin natin iyan." Tumingin si Esmeralda kay Ismael. "Amang, maaari bang huwag mo munang lapitan ang babaeng iyan hanggang sa makabalik kami? Hindi kasi kami panatag ni Dodong sa kaniya."

New novel 𝓬hapters are published on ƒreewebɳovel.com.

Tumango si Ismael. "Walang problema anak, hindi muna ako papasok sa kubo at uutusan ko na lang si Silma na asikasuhin ang babae pansamantala."

Matapos masigurong nasa maayos ng kalagayan si Ismael ay umuwi naman sila sa kubo. Doon ay naghanda sila ng magiging alay nila para sa kanilang mga gabay. Maging si Lola Haraya ay tinulungan rin silang maghanda. Dahil isang babaylan ay mas kabisado nito ang mga dapat ihanda para sa gagawing pag-aalay.

Hapon nang magsimula na silang maglatag ng makulay na banig sa harap ng puno ng mangga. Sa tabi nito, inihahanda naman ni Harani ang tatlong sulo sa bawat dulo ng banig. Sa gitna ng banig, maayos at sunod-sunod nilang inilatag ang kanilang mga alay. Mula sa malagkit na kakanin, buhay na hayop hanggang sa kung ano-ano pang pagkain na inihanda nila.

Nang tuluyan nang lumubog ang araw at nagsimula nang kumalat ang dilim sa kalupaan ay nagsimula nang magdasal si Lola Haraya. Nasa likod naman niya sina Esmeralda, Dodong at Harani na noo'y tahimik lang na nakapikit ang mga mata.

Sa kanilang pagtahimik, ang tanging naririnig lang ni Esmeralda ay ang tinig ni Lola Haraya na noo'y nagdarasal at ang tunog ng mga panggabing kulisap at ang banayad na ihip ng hangin. Sa bawat katagang sinasambit ng matanda ay tila nanunuot naman ito sa kalamnan ng dalaga. Napapakislot pa siya ng bahagya habang nararamdaman niya ang pagtama ng hangin sa kaniyang balat. Tila may maliliit na kutsilyong humihiwa roon.

Hindi ramdam ni Esmeralda ang sakit ng mga hiwa kaya alam niyang hindi iyon nagsusugat. Ngunit sa bawat hiwang nararamdaman niya ay tila tinatangay naman nito amg kamalayan niya hanggang sa nawala na lamang sa pandinig niya ang tinig ng kaniyang lola. Napalitan iyon ng tunog ng lagaslas ng tubig at banayad na awit ng mga ibon.

Napapakunot pa ang noo niya habang nakapikit dahil pakiramdam niya ay nagbago ang simoy ng hangin sa palibot niya. Nakakarinig rin siya ng mahinang hagikgikan at mga bulong sa kaniyang palibot.

Nang imulat niya ang kaniyang mata, natagpuan niya ang sarili na napapalibutan ng mga berdeng halaman at makukulay na bulaklak. Tumingala siya at nasilayan niya ang asul na asul na kalangitan. Napakalambot rin ng damong kinauupuan niya, tila kapares iyon ng balahibo ng isang pusa habang ang pinong dahon naman nito ay kumikinang sa ganda.

Parang nababalot rin ng manipis na hamog ang buong paligid na siyang nakadagdag pa sa mahiwaga nitong atmospera.

"Nasaan ako?" Tanong ni Esmeralda habang nagtatakang inililibot ang kaniyang paningin. Kanina lamang ay kasama pa niya ang kaniyang lola, tiyahin at si Dodong. Pero ngayon ay nag-iisa na lang siya sa isang lugar na hindi pa pamilyar sa kaniya.

Sa kalagitnaan ng kaniyang pagtataka, isang boses ang nagpatingala sa kaniya. Tinawag nito ang kaniyang pangalan, at mabilis itong naglakad papalapit sa kaniya.

"Esme? Paanong... Bakit ka narito?" Tanong ni Liyab.

"Liyab? Narito ka rin? Teka, bakit puro ka sugat? Anong nangyari sa'yo?" Sunod-sunod niyang tanong.

Tila naglaho naman ang pag-aalala sa mga mata ni Liyab at napalitan ito ng ngiti. Muling naging maamo ang mukha nito at bahagya nitong hinaplos ang buhok ng dalaga. Lumungkot rin ang mga mata nitong bahagya pang nagtutubig.

"Wala ito. May mga pagsubok lang akong pinagdaanan at ayos na ang lahat. Nalagpasan ko na at tamang-tama lang ang dating mo, Esme." Malungkot itong ngumiti at hinawakan ang kamay ng dalaga. "Halika, oras na para malaman mo ang lahat."

Nagpatianod si Esmeralda at manghang-mangha siya sa kaniyang nakikita. Napakaganda ng mga tanawin mula sa mga ilog, talon, mga tanim na bulaklak at halaman. Maging ang mga puno ay matatayog at animo'y humihinga ang mga ito. Maging ang lupang inaapakan nila ay parang humihinga.

"Liyab, nasa mundo ba tayo ng mga engkanto?" Tanong niya. Bagaman may kutob na siya ay nais pa rin niya itong makumpirma.

"Tama ka, narito ka sa mundo ng mga engkanto, sa lugar kung saan naghahari ang mga mahomanay." Nang hawiin ni Liyab ang isang malaking dahon na maihahalintulad sa isang anahaw ay tumambad kay esmeralda ang isang lugar kung saan napakaraming mahomanay ang naroroon.

Simple lamang ang lugar na iyon ngunit hindi maikakaila ang hiwagang bumabalot sa lugar na iyon. Gawa sa kahoy ang mga tirahan subalit nakamamanghang nakalutang ang mga ito sa lupa. Napupuluputan rin ng mga baging ang bawat poste nito at kapansin-pansin ang samo't saring hayop na naglalakad at namamahinga sa paligid.

"Ito ang lugar mo, ang tirahan mo?" Manghang tanong ni Esmeralda. Nagtubig ang kaniyang mata nang makita ito. Parang isang parte ng puso niya ang nabuo nang masilayan ang payapang pamumuhay roon.

Kaharian kung maituturing ang lugar na iyon para sa mga mahomanay, ngunit kung titingnan ang lugar nila ang may pinakapayak na pamumuhay. Hindi magarbo subalit sagana. Hindi marangya ngunit payapa.

"Ito nga, at ito rin naman ang tirahan mo. Siguro naman alam mo na ngayon. Ramdam ko na kasama mo na ang mga babaylan. Nararamdaman ko ang presensiya nila sa'yo. Kamusta sila?"

Napaiyak si Esmeralda. "Ikaw nga? Pero bakit hindi mo agad sinabi sa akin? Bakit inilihim mo?"

Napangiti si Liyab at niyakap ang luhaang si Esmeralda.

"Malaki ang dahilan kung bakit kailangan kong ilihim. Hindi ka pa handa at isa pa, isang kasalanan ang nabuo tayo. Ang dahilan kung bakit nasawi si ina, dahil tinugis siya ng mga aswang at itin na engkanto. Noong una hindi ko alam kung bakit, at nitong nakaraan ko na lamang nalaman ang totoo."

"Ano ba ang totoo?"

"Ang totoo, ang ating ama ang susunod na hari ng mga mahomanay, nabibilang siya sa angkan ng may purong dugo mg mahomanay. Nang mag-isang dibdib sila ng ina nating babaylan ay hindi iyon pinayagan sa una. Napakaraming pagsubok ang sinuong nila para lang patunayan sa lahat ng engkanto ang kanilang pagmamahalan." Panimula ni Liyab at pinaupo niya si Esmeralda sa isang malaking bato na nakaharap sa mga kauri niya.

"Nagtagumpay sila at tinanggap ang kanilang pag-iisang dibdib. Subalit sa halip na tanggapin ang korona, nagdesisyon ang ating ama na mamuhay sa mundo ng mga tao kasama si ina. Doon tayo nabuo, sa kabundukan ng luntian sa silangan, kung saan malapit sa kuweba. Tanda mo pa ba ang gibang bahay doon na gawa sa bato?"

Tumango si Esmeralda nang maalala ang sinasabi ng binata. Tanda niya ang bahay na iyon. At madalas pang matulala siya roon na tila ba may humahatak sa kaniya na pasukin ang lugar na iyon. Subalit sa tuwing tatangkain naman niya ay dumarating si Liyab para ayain na siyang umuwi sa bahay nila.

"Iyon ang lumang tirahan natin, kung saan tayo ipinanganak, ang kuweba, iyon ang lagusang pinoprotektahan ni ama laban sa mga masasamang engkanto."

"Hindi ko pa rin maintindihan Liyab, kung tanggap naman ng mga engkanto sina ama at ina bakit kailangan niyong maglihim?" Kunot-noo pa rin niyang tanong.

"Para sa kaligtasan mo. Walang nakakaalam na nakaligtas ka. Sa katawan mo itinago ni ama ang huling hiyas na siyang nagpoprotekta sa mga lagusan. Kapag nalaman ng mga itim na engkanto ang pag-iral mo, siguradong hindi ka nila titigilan."

Ipinaliwanag rin ng binata na bagaman may iilang nakaalam noon, palihim na tinutugis ng mga mahomanay ang sinomang nananakit kay Esmeralda. Ang dahilan kung bakit naparusahan si Roger ay dahil din doon.

Hindi lamang si Liyab amg nakabantay sa dalaga kun'di ang buong angkan ng mga mahomanay. Madalas ay nag-aanyong ibon o hayop ang mga ito para lang masundan si Esmeralda, simula noong bata pa siya hanggang ngayon.

"Nakabalik na ang prinsesa!" Isang babaeng mahomanay ang sumigaw at nakuha nito ang atensyon ng lahat. Nagulat pa si Esmeralda nang makitang nagtakbuhan ang mga ito papalapit sa kaniya.

Napangiti naman si Liyab at marahang pinisil ang palad niya.

"Nagbalik na siya, nagbalik na siya!" Sabay-sabay pa nilang sigaw na tila nagbubunyi.