Infinito: Salinlahi-Chapter 72
Chapter 72 - 72
Hindi naman makapaniwala si Esmeralda sa kaniyang mga nakikita. Ang mga nilalang na nasa harapan niya ay puro magaganda, nakakahalina ang kanilang kagandahan na sa tuwing tititigan niya ang mga ito ay mapapabuntong-hininga na lamang siya. Iyong tipong wala kang masabi dahil hindi mo alam kung anong magandang deskripsiyon ba ang tutugma sa angkin nilang kagandahan.
Kumikininang ang kanilang mga balat, habang ang mga buhok nila ay napapalamutian ng mga berdeng dahon at makulay na bulaklak. Mahaba ang mga kasuotan nilang kung hindi kakulay ng kalangitan ay kakulay ng kagubatan.
Napipilan si Esmeralda sa mga pagbating natatanggap niya mula sa mga mahomanay. Tila lumulutang sa ere ang kaniyang pakiramdam at kung hindi lamang sa pagkakahawak ni Liyab ay paniguradong natangay na siya ng pakiramdam na iyon.
"Tama na muna iyan, hayaan niyo muna siyang makahinga." Natatawang wika ni Liyab. Nanghatakin niya si Esmeralda ay doon lang naramdaman ng dalaga ang sarili niya. Napabuga siya ng hininga at napangiti.
"Natutuwa lamang kami na masilayan ang kapatid mo Prinsipe Liyab, hindi ba't hindi pa naman ang kabilugan ng buwan?"
"Oo nga prinsipe Liyab, hindi ba't ang sabi sa tagna ay sa kabilugan ng buwan babalik ang prinsesa, bakit napaaga yata?"
Tila doon naman naalala ni Esmeralda ang mga suliraning hinaharap nila ngayon sa mundo ng mga tao. Napahawak siya ng mahigpit sa kamay ni Liyab at tinitigan ito ng madiin.
"Liyab, may mga bagay akong nais maunawaan. Isang suliranin ang kinahaharap ngayon namin sa Luntian at kaya ako napadpad rito ay dahil kasalukuyan kaming nakikipag-ugnayan sa mga gabay." Saad ni Esmeralda at tumango naman si Liyab.
"Nakaabot na sa akin ang balita, paumanhin kung hindi ako nakapagbigay ng tulong sa huli niyong laban." Malumanay na wika ni Liyab. Umiling si Esmeralda at ngumiti.
"Wala akong karapatang sumbatan ka. Alam kong may hinarap ka ring problema rito kaya ayos lang. Pero Liyab, ayaw mo bang makita sina Lola?" Tanong ni Esmeralda at napalis ang ngiti sa labi ng binata. Napalitan iyon ng kaba at pagdududa.
Agad naman nakita ni Esmeralda ang pagbabago ng ekspresyon ng binata kaya naman pinisil niya ang kamay nito.
"Kung nag-aalala kang hindi ka nila matatanggap, nagkakamali ka. Isnag babaylan sina Lola Haraya at Tiya Harani, malapit sila sa kalikasan at sa mga uri niyo. At isa pa, kalahati ng dugo natin ay nanggaling sa kanila, bakit ka nila hindi tatanggapin?"
Dahil sa sinabi ng dalaga ay napangiti na si Liyab. Matapos silang makipag-usap sa mga mahomanay ay nilibot naman nila ang buong kaharian. Sa kanilang paglabas sa mundong iyon ay tila bumalik naman sa dati ang pakiramdam ni Esmeralda.
Nawala ang magaang pakiramdam niya at muli niyang naamoy ang nakasanayan niyang hangin. Sa muling pagmulat ng kaniyang mata at nasilayan niya ang puno ng mangga at nakatunghay na sa tabi niya sina Lola Haraya at Harani habang si Dodong ay nakangiti ring nakatingin sa kaniya.
"Lola?" Takang tanong niya at saka bumangon. Inilibot niya ang kaniyang paningin at napatda naman ang kaniyang mga mata sa katawan ng puno ng mangga.
"Kamusta ang paglalakbay mo ate? Nagkita na ba kayo ni kuya Liyab?"
Bumuntong-hininga si Esmeralda at ngumiti. "Oo." Napatingin naman siya kay Lola Haraya at ginagap ang kamay ng matanda.
"Lola, nag-aalala si Liyab na baka hindi ninyo siya tanggap."
"At bakit naman niya naiisip iyon?" Nagtatakang tanong ni Lola Haraya. Napangiti naman si Esmeralda at bahagya pang natawa.
"Narinig mo iyon? Lumabas ka na riyan Liyab, alam kong nariyan ka lang." Tawag ni Esmeralda at umihip amg malamig na hangin. Kasabay ng pag-ihip nito ang paglabas ni Liyab sa likod ng puno ng mangga. Nasa katawang tao na ito at may nahihiyang ngiti sa mga labi niya.
"Liyab? Siya ba ang kapatid mo? Ang pinalaki sa mundo ng mga engkanto?" Tanong ni Haraya, nanubig ang mga mata niya nang lapitan ang binata. Nanginginig pa ang mga kamay niya habang inaangat ito para haplusin ang pisngi ng binata.
"Ikaw na ba ang aking apo? Liyab ba ang binigay nilang pangalan sa'yo?" Mangiyak-ngiyak na tanong ni Haraya. Maging si Harani na nakamasid lang sa kanila ay hindi naiwasang hindi maiyak.
"Ako nga po lola, at opo, Liyab ang pangalang ibinigay nila sa akin, kapares ng aking mga mata. Wala na rin si ama, pumanaw rin siya matapos niya akong maihatid sa mundo namin. Habang si Esmeralda naman ay naiwan sa gubat at nakita ng asawa ni Amang Ismael." Sagot ni Liyab. Niyakap niya ang matanda at humagulgol ito sa pag-iyak.
Napaiyak na rin si Esmeralda at yumakap na rin sa kanila.
"Masaya akong nakumpleto na ang pamilya mo ate, at syempre makikitakap na rin ako sa inyo para mas masaya." Wika ni Dodong at yumakap na rin sa mga ito, dahilan para magtawanan sila.
Naging masaya ang muli nilang pagtatagpo. Ngayon naging mas malinaw na kay Esmeralda ang lahat ay tila nagkaroon naman siya ng panibagong lakas upang harapin ang mga sigalot sa buhay niya.
Malaki ang koneksyon ng mga nangyayari ngayon sa nangyari noon. Hindi lang ito basta nagkataon, kun'di matagal na itong plano ng kalaban nila.
"Marahil ay natunugan nila ang pagbabalik ng korona sa mga mahomanay. Ang mahigit dalawang buwang pagsubok na ibinigay sa akin ng bawat hari sa mundo ng mga engkanto ang naging hudyat nila para kumilos. Alam nilang muli nang makokompleto ang selyo sa mga lagusan, sa oras na mailuklok na ako sa trono ng mga mahomanay, kaya mas nagiging agresibo sila sa pagbibigay ng gulo dito sa lupa." Salaysay ni Liyab.
"Kung gano'n ay tama ang mga pangitain ko."
"Opo lola, dahil ang mga iyon ay eksaktong pinadaoa sa inyo ng mga gabay. Naghahanda na rin ang mga hukbo ng mga puting engkanto, at alam kong ang mga babaylan ay naghahanda na rin." Tumango si Liyab at tumingin kay Esmeralda.
"Alam mo bang ang misyon mo sa bayan nina Loisa ay hindi nagkataon lang?"
Napakunot-noo si Esmeralda. "Ano'ng ibig mong sabihin, Liyab?"
"Isang mensahe ang binigay ng mga engkanto sa magkapatid na albularyo para hanapin ka at iligtas ang mga manunugis. Alam kong kukupkupin mo sila at magiging malaking tulong sila sa mga panahong ito. Palihim kayong inihahanda ng mga engkantong gabay, dahil hindi lang ito simpleng digmaan ng dalawang lahi, digmaan ito kung saan nakasalalay ang bawat salinlahi ng magkaibang mundo."
Lumipas ang gabing iyon na magkahalong emosyon ang nararamdaman ni Esmeralda. Saya dahil kompleto na ang pagkatao niya at pangamba dahil nahaharap sila sa mas malaki pang problema.
Umaga nang magpasyang tunguhin ni Esmeralda at Liyab ang bahay ni Ismael. Nang magbukas naman ang tarangkahan ay bumungad sa kanila si Silma.
"Magandang umaga ho, Tiya Silma." Bati ni Esmeralda.
Napatda naman ang tingin ni Silma kay Liyab at nangunot ang noo nito. "Magandang umaga rin naman, Esme. Aba't sino itong binatang kasama mo?"
Bakas ang pagtataka sa mukha ng ginang at nagkatinginan pa sila.
"Ahh, ito ho si Liyab. Kapatid ko."
Nanlaki ang mga mata ni Silma sa narinig. Kulang na lang ay mapanganga siya sa gulat. Mabilis na ipinilig ni Silma ang ulo at napakamot pa.
"May kapatid ka? Kamusta ka hijo, ako nga pala si Silma. Tiya Silma na lang din ang itawag mo sa akin, ha. O siya, maiwan ko muna kayo at mamamalengke pa ako. Mamaya na tayo mag-usap." Wika ni Silma sabay paalam sa mga ito.
"Bakit parang hindi ka nagulat sa nakita mo?" Tanong ni Esmeralda kay Liyab.
"Hindi na nakakagulat. Nakabalik na ang asawa niya at kapalit nito ang pagtrato niya sa'yo ng mabuti." Nakangiting wika ni Liyab bago nagtuloy-tuloy na pumasok sa loob. Naiwang nakanganga naman si Esmeralda dahil sa narinig.
Ibig sabihin, kaya naging mabait si Silma ay dahil sa pagkakalaya ng asawa niya.
"Amang magandang umaga ho." Bati ni Esmeralda at mabilis na nagmano naman si Liyab kay Ismael na ikinagulat naman ng huli.
"Liyab? Aba mabuti naman at naisipan mong magkatawang tao." Puna ni Ismael.
Updat𝓮d from frёewebnoѵēl.com.
"Opo, kailangan kasi. Nasaan na ho ang pasyente niyo?" Tanong ni Liyab.
Napangiti si Ismael at tinuro ang kubo. "Nasa loob siya, nagpapahinga. Siyanga pala, ngayon din ang dating ng tiyahin niyong si Margarita at pamilya niya, silang mag-asawa lang dahil nasa lungsod naman ang mga anak nila at walang magiging problema. Nakasalubong niyo ba si Silma?"
"Opo amang, kumusta naman po ang lagay ng pasyente?" Tanong ni Esmeralda at napailing si Ismael.
"Ganoon pa rin, walang pagbabago. Sa ngayon ay itinali muna siya namin dahil nagwawala siya kapag nagigising. Kung ano-anong pagbabanta na rin ang narinig ko sa kaniya simula kagabi pa. Kung hindi ko lang alam na sinasaniban siya, iisipin ko talaga na nababaliw na siya." Napabuntong-hininga si Ismael sabay higop ng kaniyang kape.
Napahaba pa ang kanilang pag-uusao nang araw na iyon. Pinaliwanag naman ni Liyab kay Ismael ang mga nangyari noon at kung bakit nasa ganoong sitwasyon sila ngayon. Tahimik lang na nakinig si Ismael at panaka-nakang napapailing o di kaya nama'y napapatango.
Makalipas naman ang dalwang oras ay dumating na si Silma. Marami itong bitbit animo'y kakasya na ng isang buwan. Nagbaba rin siya ng ilang sako ng asin mula sa inupahan nitong traysikel at sako-sako ring bawang at luya.
"Tiya, ang dami naman niyan." Puna ni Esmeralda nang makita ang binababang mga sako sa traysikel.
"Utos iyan ng lolo mo. Ang sabi niya bigyan raw ang buong baryo, kailangan bawat bahay ay maging handa sa darating na pagdugo ng langit. " Sagot naman ni Silma.
Napatingin naman si Esmeralda kay Ismael at napakibit-balikat naman ito.